top of page

PADYAK

Photo Documentary

Kuha at ulat ni: Fe Toledo

PANDACAN, MANILA ----- Si Mang Lhejie ay isang trolley operator dito sa Pandacan, Manila. Simula noong 1980s ay isa na siyang trolley operator, at patuloy pa din na nagtatrabaho sa mga riles upang makapaghanapbuhay. Aking nakapanayam si Mang Lhejie ukol sa usaping trolley.

Sa kasalukuyan, ang bayad ng isang indibidwal sa isang trip sa mga trolley na ito ay bente pesos (P20). At umaabot sa isa o dadalawang pasahero ang isang trip ng trolley. Ito ay mga problema na dala ng pandemiya. Ikinuwento ni Mang Lhejie na bago nagsimula ang pandemiya, ang pamasahe ng isang indibidwal sa isang trip ng trolley ay naghahalaga sa sampung piso (P10). Umaabot din ng dose (12) ang pasahero ng trolley noong mga panahon na iyon. Ngunit dahil nga sa pandemiya ay onti na lamang ang sumasakay dito dahil sa pagsara ng mga lugar ng trabaho at paaralan. Karaniwan ay bumabiyahe na ang trolley simula ng 3:00 hanggang 7:30 ng umaga; at bumabalik naman ng mga 5:00 ng hapon.

Habang ako ay nakikipagpanayam ay sumakay ako ng trolley. Napansin ko na tila parang isang “scooter” ang trolley dahil sa kailangan ng operator na pumadyak at magtulak upang gumalaw ito. Sa paglakbay ng trolley ni Mang Lhejie ay iba’t ibang mga panganib ang makikita sa mga riles. Makikita ang mga basura na nagkalat sa mga riles, mga basura na maaring galing sa mga informal settlers na naninirahan sa gilid ng riles, at sa mga pasahero ng tren. Sa bandang kalagitnaan naman ng paglakbay ng trolley ay nakaabot kami sa tulay kung saan ang Pasig River ay nasa ibaba ng tulay. Mapanganib ang parte na ito sapagkat onting galaw lang ay maaaring mahulog ang iyong gamit o maaaring ang pasahero mismo ang mahulog.

Naabot na namin ang Sta. Mesa sa loob ng 10-15 na minuto. Inilipat naman ni Mang Lhejie ang trolley sa kabilang riles upang kami ay makabalik muli ng Beata, Pandacan. Sa pagbalik ng trolley, biglang nagtanong si Mang Lhejie ng oras. Nang 5:53 ng umaga ay inilipat muli ni Mang Lhejie ang trolley sa kabilang riles dahil mayroong tren naka iskedyul na dadaan. At ilang segundo nga ang nakalipas at dumaan ang tren sa kabilang riles. Ayon kay Mang Lhejie ay kabisado na nilang mga operators ang schedule ng mga tren dahil kung hindi, sila at ang mga pasahero ay kailangan magmadali na makaalis ng riles.

Tumuloy na kami sa pagbalik ng Beata St. Ngunit sa pagbalik, pinalipat ulit ni Mang Lhejie ang trolley sa kabilang riles, dahil mayroon nga daw lubak ang parte ng riles. Delikado ang dumaan sa bako bako na riles dahil sa baka masira ang trolley at baka kung ano ang mangyari sa mga pasahero.

Nakabalik na nga kami sa Beata St. ng Pandacan. Pagkatapos maranasan ang pagsakay ng trolley ay aking napagtanto na kaya sumasakay ang mga commuter dito kahit na may mga panganib ay dahil sa ito ay mabilis at mura na paraan upang makapunta sa Sta. Mesa. Sa hirap ng transportasyon at pagkaroon ng hanapbuhay dito sa Pilipinas, ay lumalabas ang pagiging madiskarte ng mga Pilipino. Tuluyan nagbago ang trolley sa mga mata ko; para sa akin ay ito ay diskarte ngunit ito din ay simbolo ng paghihirap at hindi pag-unlad ng transportasyon dito sa Pilipinas.

Maraming salamat kay Mang Lhejie sa paglahok sa photo documentary na ito at sa pagkuwento ng mga karanasan. 

IMG_20220529_060621.jpg
bottom of page